Relief goods, inihatid ng Prov’l Gov’t sa bayan ng Calasiao
Nagpamahagi ang Pamahalaang Panlalawigan na pinamumunuan ni Governor Amado I. Espino III ng relief goods sa bayan ng Calasiao para sa mga residenteng nasa ilalim ng granular lockdown noong October 10.
“Kapag sinabi nating granular lockdown maliit na area lang iyong naka-lockdown,” sabi ni Calasiao Local Disaster Risk Reduction and Management Officer I (LDRRMO) Kristine Soriano.
Layon ng pagbibigay ng relief goods na maibsan ang paghihirap ng mga residenteng nasa ilalim ng lockdown at upang makadagdag sa pagkain ng kanilang pamilya.
Hatid ng truck ng Pamahalaang Panlalawigan ang 100 sako ng bigas, 20 kahon ng sardinas, at 20 kahon ng noodles na ibinaba sa Calasiao Complex sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO).
Ang mga sako at kahon ng relief goods na tinanggap ng LGU Calasiao ay kanilang ire-repack upang ibigay sa mga residente ng bawat barangay na nasa ilalim ng lockdown.
“Iyong sa lifting, case to case basis po siya. Magdedepende po tayo kung naka-recover na po iyong COVID case natin doon sa area. May instances din po nage-extend siya kung sakaling may mag-positive sa close contacts niya. Halimbawa po may nahawa na kapamilya niya,” dagdag ni Soriano.
Sa kasalukuyan, ang ilan sa household at residential compounds sa mga sumusunod na barangay ay nasa ilalim ng lockdown mula noong October: Bued at Ambonao (October 2), Songkoy, Longos, Dinalaoan (October 3), Doyong (October 5), Buenlag (October 9), Songkoy at Cabilocaan, Longos (October 10), at Nagsaing (October 11), habang ang Sitio Centro naman ang naka-lockdown sa Brgy. Ambunao mula noong October 2.
As of October 12 (6PM), may kabuuang 24 aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Calasiao, ayon sa Provincial Health Office (PHO).
/Diane A. Tinambacan (Photos by Kenneth Soriano)




